Saturday, November 27, 2010
Trahedya
Tsismisan. Nagsimula ang gabi nang inilabas ko ang aking mga hinaing tungkol sa iyo sa isang kaibigan. Katatapos ko lang kumain at naisipang kong mag-movie marathon na lang sa halip na mag-aral. Oo, isang linggo na akong hindi nag-aaral. Pero isang gabi lang, magpapahinga muna ako sa pagkanta, sa pag-text pass, sa pag-email. Hanggang sa inatake ako sa pagkabagot at naging clingy sa isang matalik na kaibigan sa pamamagitan ng Sun Cellular.
Text. Sa gitna ng pakikipagtalastasan tungkol sa mga hinanaing na ikaw ang nagbibida, nag-text ka ng isang serye ng pasimpleng mensahe na ang kinauwian lang ay ang pagtanong kung nag-aaral ba ako. At biglang lumipad papalabas ng bintana ang ideya ng gabing puno ng mga sine. Dali dali kitang sinagot na magsisimula pa lang ako, sabay assemble ng aral kit. Ayan. Isang gabi na kitang makakapiling.
Fast forward. Ayan na't nagaaral na tayo. Ikaw na sumusulat sa luma kong notes, ako na nagpapanggap na naiintindihan ang hina-highlight, dumidiskarteng masulyapan ka gamit ang aking peripheral vision. Matagal-tagal rin kitang hindi nakasamang yung tayo lang. Oo, may sari-sarili tayong tinitext; ikaw nagtetext ng kung anuman sa kanino man, ako sa isang kaibigan ng mga bagay na tungkol pa rin sayo.
Tulog. Halata ang pagod mo. At di naglaon ay kinailangan mo ang trademark mong power nap - ang yumuko na lang at makakatulog. Syempre hindi kita natiis at pinahiram ko sayo ang jacket ko, para man lang malagyan ng isang malambot na bagay ang pagitan ng mesa at ng iyong mukha. At ikaw ay nahimbing, habang ang mundo ko ay tumigil.
Alam mo bang nakangiti kang natutulog? Naramdaman mo bang pinagmasdan kita habang ikaw ay nahihimbing? At kahit na malamang habambuhay kong maaalala ang ngiting yun, napakunot ang noo ko't naluha ng kaunti, kasi sa mga panahong yun napagtanto ko kung gaano ka kahalaga sa akin pero wala man lang akong magawa. Di ko man lang mapaabot sayo. Di ko man lang masabi. Dahil alam kong wala tayong patutunguhan.
Mahirap ang hindi umasa. Dahil alam kong sa sarili ko na gustong gusto ko. Pero hindi pwede, para sa huli pwede kong maisalba ang aking sarili mula sayo. Gayunpaman, masaya na rin ako. Masaya na ako sa mga ganitong moments, gaano man kapuno ito ng mga pagiilusyon ko. Masaya na akong mapagmasdan ang mapayapa mong mukhang nakapatong sa jacket ko. Masaya na akong maging human alarm clock mo, ang maging simula ng araw mo. Masaya na akong marinig ang mga hinanaing at ang mga tagumpay mo sa buhay. Masaya na akong maging kaibigan mo.
At kahit saan man to mauwi, alam kong may napupulot ako mula sayo. Natuto akong mag-account ng gastos ko. Minahal kong bumuklat ng libro dahil sayo. Mas minahal ko ang aking mga kapatid, hindi ko man sila nakikita araw-araw. Natuto akong isipin ang kalagayan ng iba bago ang sarili dahil binigyan mo ako ng pagkakataon maging mabuti.
Hindi ako nagpapaalam. Nalungkot lang.
At nang bumangon kang may handog na ngiti para sa akin, napawi ang antok ko. Natigil ang pagkaluha ko.
Ngunit nanatili ang mabigat na pakiramdam na kahit ano pa man ang nagaganap sa kasalukuyan, hindi ka kailanman magiging akin.